NCAA games kinansela
MANILA, Philippines - Dahil sa pagkakasuspindi ng klase bunga ng magdamag na pag-ulan na hatid ng bagyong Kabayan, kinansela ng pamunuan ng 91st NCAA basketball at anim na larong nakahanay kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tigatlong seniors at juniors games ang dapat na inilarga kahapon na kapapalooban ng pagtutuos ng Jose Rizal Heavy Bombers at San Sebastian Stags; Emilio Aguinaldo College Generals at Mapua Cardinals at Perpetual Help Altas at Letran Knights.
Bunga ng desisyong ito, ang mga larong nabanggit ay gagawin sa Huwebes (Oktubre 8) at siyang maghuhudyat ng pagtatapos sa double-round elimination.
Ang liga ay magbabalik sa Martes at triple-header din ang aksyon dito sa hanay ng Mapua at St. Benilde Blazers, Arellano at EAC at Letran at San Beda Red Lions.
Ang di inaasahang pahinga ay tiyak na makakatulong sa mga koponang naghahabol pa ng puwesto sa Final Four para mapaghandaan ang hu-ling dalawang krusyal na asignatura.
Wala pang nakakatiyak ng puwesto sa Final Four pero namumuro na ang Letran (12-4) at San Beda (12-5) dahil naka-playoff na sila.
Ang Jose Rizal University, Perpetual Help at Arellano ay magkakasalo sa 11-6 baraha para sa ikatlo hanggang limang puwesto habang ang host Mapua ay nasa ikaanim na puwesto at humihinga pa sa 10-5 baraha.
- Latest