KALIBO, Aklan – Umabot sa 40 manlalangoy ang hinirang na Most Outstanding Swimmers sa Class C at Motivational categories sa ginaganap na 84th Philippine Swimming League (PSL) National Series - Gov. Florencio Miraflores Swimming Championship sa Aklan Provincial Sports Complex sa Makato dito.
Babanderahan nina Alic Deniel Dela Cruz at Joe Marie Borres ng Capiz Turbo Shark, Laika Mae Enero ng Aklan Swimming Team at Knorlegne Elizabeth Corpuz listahan ng MOS winners sa Class C ng naturang tournament.
Umani si Dela Cruz ng 27 puntos upang dominahin ang girls’ 15-over event habang lumikom naman si Borres ng 50 points para sa boys’ 16-under para sa nasabing award. Ipinakita ni Enero ang kanyang husay sa paglangoy sa pagsisid ng 30 points na nagbigay sa kanya ng karangalan sa girls’ 14-years division at si Corpuz ay mayroong 24 points na kanyang kinuha matapos pagwagian ang 13-years category.
“Sinikap talaga ng PSL na kilalanin ang galing ng mga swimmers sa Class C at Motivational categories para magsilbing motivation nila na mag-improve pa sa kanilang paglangoy. Kaya naman libong medalya ang aming ibinigay sa kompetisyong ito,” wika ni PSL president Susan Papa.
Ang iba pang pinarangalan ay sina Erika Villareal (girls’ 11), Rafael Dionela and Cyru Masangyu (boys’ 11), Adriana Yulo (girls’ 12), Laurenz Roldan (boys’ 12), Tomas Bryce Cabrera (boys’ 13), Jopearlson Ituriaga (boys’ 14), Jeru Masangyu (boys’ 15-over), Estelle Margaret Mendez (girls’ 6-under), Samantha Lachica (girls’ 7), Denver Tolinero (boys’ 7), Irynne Sustiguer (girls’ 8), Victor Cabrera (boys’ 8), Georjeana Plenago (girls’ 9), Christian Alovera (boys’ 9), Junalyn Degoma (girls’ 10) at Ethan Cabrera (boys’ 10).