BACOLOD CITY, Philippines -- Pinangunahan nina Philippine Navy member Rene Herrera at full time runner Jennylyn Nobleza ang Bacolod leg ng 39th National Milo Marathon kahapon.
Nagtala si Herrera ng tiyempong 01:14:12 para unahan sina Maclin Sadia (01:15:04) at Jason Agravante (01:16:41) sa men’s 21-kilometer race.
Nagsumite si Nobleza ng oras na 01:34:23 para talunin sina Stephanie Cadosale (01:38:15) at Helen Ison (01:46:32).
Kapwa ibinulsa nina Herrera at Nobleza ang premyong P10,000 at sinikwat ang tiket para sa 2015 National Milo Marathon Finals na nakatakda sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga kung saan ang hihiranging Marathon King at Queen ay mabibigyan ng tsansang lumahok sa 2016 Boston Marathon sa United States.
Si Herrera ay five-time SEA Games gold medalist at sumabak noong 2012 London Olympics.
Dadalhin ang Milo qualifying legs sa Tagbilaran (Oktubre 4), Cebu (Oktubre 11), General Santos (Oktubre 18), Davao (Nobyembre 8), Butuan (Nobyembre 15) at sa Cagayan De Oro (Nobyembre 22).