MANILA, Philippines - Siya ang isa sa mga pinakamaliit na player ngayon sa 91st NCAA men’s basketball tournament.
Ngunit hindi ito hadlang para maipakita ng 5-foot-6 na si Mark Cruz ang kanyang pagdadala sa Letran Knights.
Kumamada si Cruz ng 12 points sa fourth quarter para tulungan ang Knights sa come-from-behind 87-81 win laban sa Arellano Chiefs noong Biyernes na nagpatibay sa kanilang pag-asa sa Final Four.
“He’s one of the leaders of this team so we rely on him to take and make the big shots,” sabi ni Letran rookie coach Aldin Ayo kay Cruz.
Tinapos ni Cruz, ang third round pick ng Star Hotshots sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft, ang laro na may 20 points na tinampukan ng apat na triples.
Nagtala din siya ng 8-of-10 shooting sa free throw line at naglista ng 4 rebounds at 4 assists.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Cruz bilang ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.
Tinalo niya ang kakamping si Rey Nambatac at sina Jose Rizal Heavy Bomber’s guard Paolo Pontejos at San Beda Red Lions’ star forward Arthur dela Cruz.