Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – NU vs Ateneo (V-League finals)
3 p.m. – Ateneo vs NU (Spikers’ Turf finals)
MANILA, Philippines – Malaking selebrasyon ang tinitingnan ng Ateneo sa pagharap uli sa National University dahil double championships ang nakaumang sa kanilang mga koponan na sasalang sa Shakey’s V-League at Spikers’ Turf Collegiate Conference finals ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa pangunguna uli ni Alyssa Valdez ay sisikaping isantabi ng Lady Eagles ang pagbabalik ni Dindin Manabat sa Lady Bulldogs para makumpleto ang 2-0 sweep sa V-League sa ganap na ika-12:45 ng hapon.
Dakong alas-3 ng hapon ay aksyon sa Spikers’ Turf naman ang matutunghayan at dagdag motibasyon ng Eagles ang makumpleto ang ‘perfect conference’ laban sa Bulldogs.
“NU is a strong team without Dindin. They will be stronger with her around,” wika ni Valdez na nagtala ng 20 puntos sa 25-19, 25-13, 25-23 panalo sa Game One.
Ang pagpasok ni Manabat ang magpapalakas sa pag-atake ng Lady Bulldogs na humuhugot din ng puntos mula sa mga beteranang sina Jaja Santiago, Myla Pablo at Aiko Urdas.
Tiyak naman na aasahan ng Eagles ang galing nina Marck Espejo, Rex Intal at Ysrael Marasigan para madugtungan ang 25-17, 25-18, 25-19 panalo at ma-ging kauna-unahang koponan sa ligang inorganisa ng Sports Vision na maka-sweep ng conference.
Hindi naman papayag ang Bulldogs na mangyari ito at asahan ang pagsisikap nina Bryan Bagunas, Fauzi Ismail at Francis Saura para mapaabot sa Game Three ang tagisan. Kung mangyari ito, ang sudden-death sa V-League at Spikers’ Turf ay gagawin sa Oktubre 4. (AT)