MANILA, Philippines - Kung ayaw nang labanan ni Mexican Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao sa pang-limang pagkakataon ay handa naman si Lucas Matthysse ng Argentina na sagupain ang Filipino world eight-division champion.
Sinabi ni Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions na pipilitin niyang mapanalisa ang kanilang negosasyon ni Bob Arum ng Top Rank promotions para sa Pacquiao-Matthysse bout sa susunod na taon.
“There is a guy who manages Manny Pacquiao and I am already in conversations with this gentleman to make a fight between Pacquiao and Matthysse,” pagtukoy ni De La Hoya kay Arum.
Si Pacquiao ay nasa bakuran ng Top Rank habang si Matthysse ay lumalaban sa ilalim ng Golden Boy Promotions.
“It could be a complicated fight, but that’s why Lucas is preparing so well. He has some great sparring partners to work with and he’ll be ready,” ani De La Hoya.
Pag-aagawan nina Matthysse (37-34-3, 34 KOs) ng Argentina at Victor Postol (27-0-0, 11 Kos) ng Ukraine ang bakanteng WBC light welterweight title sa Oktubre 3 sa StubHub Center sa Carson, California.
Si Postol ay nagsasanay sa ilalim ni Hall of Famer Freddie Roach, ang chief trainer ni Pacquiao, sa Wild Card Gym.
Nagmula si Pacquiao sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Matapos ang limang araw ay sumailalim si Pacquiao sa isang surgery kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles.
Sinabi ni Arum na kailangan munang makapagpapakita si Pacquiao ng kanyang MRI results kay ElAttrache bago niya plantsahin ang susunod nitong laban.