MANILA, Philippines – Bagama’t talsik na sila para sa silya sa Final Four ay itinaas naman ng San Sebastian College-Recoletos ang kanilang karangalan.
Ginulat ng talsik nang Stags ang five-peat champions na San Beda Red Lions, 98-92 sa second round ng 98th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kumamada si pro-bound Bradwyn Guinto ng 26 points, habang may 21 markers si Michael Calisaan para sa panglimang panalo ng San Sebastian kasabay ng pagpapatikim sa San Beda ng ikaapat nitong kabiguan na nagtabla sa kanila ng Letran at Perpetual Help sa liderato sa magkakapareho nilang 11-4 record.
“We just played a very good game in the fourth quarter,” sabi ni Guinto, ang second round pick ng Mahindra (dating Kia) sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft. “It’s a good feeling beating them for the first time since I played here in 2013.”
Pinamunuan naman ni pro-bound Arthur Dela Cruz ang Red Lions sa kanyang game-high na 30 points kasunod ang 17 ni Nigerian import Ola Adeogun.
Sa unang laro, muli namang nagposte si pro-bound Earl Scottie Thompson ng triple-double matapos igiya ang Perpetual Help sa 89-59 paglampaso sa sibak nang Emilio Aguinaldo College.
Kumamada si Thompson ng 10 points, 14 rebounds at 13 assists para sa kanyang pang-pitong triple-double ngayong season at palakasin ang tsansa ng Altas sa isang tiket sa Final Four.
Nang kunin ng Altas ang 39-30 abante sa halftime ay hindi na nilingon pa ang Generals, nalasap ang kanilang pang-13 kabiguan sa 15 laro.
Samantala, napatalsik naman sa huling 1:38 minuto ng fourth quarter si Nikolo Cabiltes ng Perpetual at sina Enjerico Diego at Faustine Pascual ng EAC nang masangkot sa kaguluhan.
Sa juniors’ division, tinalo ng San Beda Red Cubs ang San Sebastian Staglets, 88-57 para ikarga ang 15-0 record, habang binigo ng EAC Brigadiers ang Perpetual Altalettes, 73-72 para sa kanilang 8-7 karta.