CHANGSHA, China – Sisimulan na ng Gilas Pilipinas ang pagtahak ng daan patungo sa Rio Olympic Games.
Asam ang nag-iisang Olympic berth bilang premyo sa winning team, bubuksan ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampan-ya sa 2015 FIBA Asia Championship sa pagharap sa Palestine ngayong alas-11:45 ng umaga dito sa Changsha Social Work College’s Gymnasium.
Ito ang unang pagkakataon na magkakaharap ang Philippine team at ang Palestine squad.
Bukod sa Palestine, ang iba pang kasama ng Gilas Pilipinas sa Group B ay ang Kuwait at Hong Kong.
Halos dalawang buwang nagsanay ang national team sa ilalim ni bagong coach Tab Baldwin.
Kabuuang 13 laro ang sinabakan ng Gilas kasunod ang five-day training camp sa Cebu noong nakaraang linggo.
Matapos ang winless campaign sa four-nation invitational tournament sa Estonia, ang second place finish sa William Jones Cup sa Taiwan tangan ang 5-2 record at pagwalis sa four-team MVP Cup, nagpakita ng magandang laro ang Nationals sa ilalim ni Baldwin.
Ayon kay Baldwin, ang training camp sa Cebu ang nagpatalas sa sistema ng koponan kasabay ng pagkakaroon ng mga bagong plays para kay naturalized Filipino center Andray Blatche.
Matapos ang Palestine ay sasagupain ng Gilas ang Hong Kong bukas at ang Kuwait sa Biyernes.
“We will take our opponents very seriously… but those games should also prepare us for the later round of the tournament where you’ll play the top teams from Asia,” sabi ni Baldwin.
Ang 2015 FIBA Asia tournament ang nagsisilbing qualifying event para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Si American coach Jerry Steele ang hahawak sa Palestine na magpaparada kina 6-foot-8 forward Salim Sakakini at 6-foot-5 shooting guard Nicola Fadayel, habang hindi naman tiyak kung makakapaglaro si guard Omar Krayem, naging Asian import ng Globalport sa nakaraang Governors’ Cup.
Ito ang magiging unang FIBA Asia tournament na sasalihan ng 6-foot-11 na si Blatche, binanderahan ang Gilas sa FIBA World Cup noong 2014 kung saan siya nagtala ng mga ave-rages na 21.2 points, 13.8 rebounds at 1.6 steals.
Ang iba pang nakasama ni Blatche sa 2014 World Cup ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood at Marc Pingris. Makakatuwang nila sa FIBA Asia sina veterans Asi Taulava, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, JC Intal, Matt Ganuelas-Rosser at sina national team rookies Calvin Abueva at Terrence Romeo. (NB)