MANILA, Philippines – Magpupursigi pang lalo ang mga national athletes na magtagumpay sa lalaruang malalaking kompetisyon sa labas ng bansa ngayong pasado na sa Senado at Kongreso ang pinalawig na batas sa kanilang insentibo.
“Senate approved our bill to improve natl athletes benefits/incentives. To be sent to the president for his signature,” tweet ni Senador Sonny Angara kamakalawa.
Matatandaan na gumawa ang Kongreso ng House Bill 5912 habang ang Senado ay may Senate Bill 2898 na ang layunin ay baguhin ang mga nilalaman ng Republic Act 9064 o mas kilala bilang Incentives Act.
Kasama na sa mabibiyayaan ng gantimpala ay ang mga atletang magtatagumpay sa Asian Indoor and Martial Arts Games, Asian Beach Games, Asian Youth Games at Youth Olympic Games na hindi da-ting kasama.
Ang mga World Championships na ginagawa tuwing dalawang taon na sinasalihan ng 45 bansa at Asian level tournaments tuwing dalawang taon at may 25 bansang kasali ay may gantimpala na rin habang ang mga differently-abled athletes na nananalo sa mga ParaGames, Asian at ASEAN ParaGames ay may nakasaad na ring insentibo.
Dati-rati ay nasa desisyon ng PSC chairman kung magkano ang dapat na ibigay na insentibo sa mga pa-larong ito dahil wala sa Incentives Act.
Ang pinakamalaking insentibo ay nakalaan sa mga mananalo ng ginto sa Summer at Winter Olympics dahil P10 milyon ang reward nito. Ang pilak ay magkakahalaga ng P5 milyon habang P2 milyon ang gantimpala sa bawat bronze medal na masusungkit.
Tamang-tama ito dahil sa 2016 ay gagawin ang Rio Olympics at ang mga atletang makakapasok ay tiyak na gagawin ang lahat para maging palaban sa medalya.
Nakasama ni Angara na pumirma mula Senado ay sina Senador Vicente Sotto III at Senadora Pia Cayetano habang sina Valenzuela Representative Win Gatchalian, Davao del Norte Rep. Anthony del Rosario at Pampanga Rep. Joseller “Yeng” Guiao ang kumatawan sa Kongreso.
“After having met and discussed the subject matter in full and free conference, has agreed and does hereby recommend to their respective Houses that the Senate Bill N. 2898 in consolidation with House Bill N. 5912, be approved in accordance with the attached copy of the bill as reconciled and approved by the conferees,” nakasaad sa ipinasang conference committee report. (AT)