MANILA, Philippines – Humataw na si Jonathan Hernandez para umakyat ng isang puwesto sa pagalingan ng mga hinete. Umabot sa 74 takbo ang sinalihan ni Hernandez noong nakaraang buwan at nadagdagan siya ng 20 panalo para lumawig na sa P2,511,194.88 ang kanyang kinita.
Sa kabuuan, si Hernandez ay mayroon nang 491 takbo at may114 panalo, 72 segundo, 71 tersero at 62 kuwarto puwestong pagtatapos.
Nasa unahan pa rin si Mark Alvarez pero lumiit na ang pagitan nila ni Hernandez na nasa ikatlong puwesto dalawang buwan na ang nakalipas.
Nasa 58 races ang sinabakan ni Alvarez pero 12 lamang ang kanyang naipanalo para magkaroon ng kabuuang 124 panalo, 117 segundo, 74 tersero at 64 kuwarto puwesto sa 597 takbo. Ang kanyang kinita na ay nasa P2,690,137.74.
Si Jeff Zarate ngayon ang nasa ikatlong puwesto kasunod nina Fernando Raquel Jr. at Pat Dilema para sa unang limang puwesto. May 454 laban sa pista ang hinarap ni Zarate at kumabig na siya ng P2,420,096.04 mula sa 125 panalo, 86 segundo, 67 tersero at 48 kuwatro puwesto.
Sa buwan ng Agosto ay kumabig siya ng 21 panalo sa 62 karerang sinalihan para makaahon mula sa ikalimang puwesto. Ang dating nasa ikalawang puwesto na si Raquel ay bumaba sa ikaapat bitbit ang P2,131,645.53 matapos ang 583 karera at may 89 panalo, 104 segundo, 96 tersero at 75 kuwarto puwestong pagtatapos.
Si Dilema ang ikalimang hinete na may mahigit na dalawang milyong kita na sa P2,002,102.17 sa 443 races at may 82-67-68-63 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.
Ang kukumpleto sa ikaanim hanggang ika-sampung puwesto ay sina Kevin Abobo na may P1,991,071.01 (65-90-77-60), Jessie Guce na may
P1,647,758.17 (67-83-73-57), CV Garganta sa P1,529,350.05 (81-59-44-36), Jan Alvin Guce sa P1,454,653.61 (60-46-61-69) at Rodeo Fernandez sa P1,410,351.22 (65-55-42-41). (AT)