Kailangan munang magpa-MRI ni Manny
MANILA, Philippines – Bago plantsahin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang susunod na laban ni Manny Pacquiao sa Abril ng 2016 ay dapat munang ipakita ng Filipino world eight-division champion ang resulta ng kanyang MRI kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles.
Ayon kay Arum, nangako sa kanya si Pacquiao na sasailalim sa MRI sa Pilipinas at ang resulta ay kanyang ipapadala kay ElAttrache para desis-yunan kung maaari na siyang muling umakyat sa boxing ring.
“I’m not going to make a fight for him until he sees (Dr. Neal) ElAttrache. ElAttrache said he won’t clear him until there’s an MRI,” ani Arum sa panayam ng Las Vegas Review Journal.
Si ElAttrache ang nagsagawa ng operasyon sa torn ratotar cuff sa kanang balikat ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) limang araw matapos ang kanyang unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Ilan sa mga binanggit ni Arum na maaaring labanan ni Pacquiao ay sina Amir Khan, Kell Brook, Terence Crawford, Lucas Matthysse at Juan Ma-nuel Marquez.
Ibinasura na rin ni Arum ang pagtatakda ng laban ni ‘Pacman’ sa Dubai.
“We’ll look to do it in the States. But you have to be careful with the date. You don’t want to go head-to-head with the (NCAA basketball) Final Four, so maybe it’s in late February or mid-April after the tournament,” ani Arum.
Habang wala siyang laban ay pinag-iisipan ni Pacquiao ang kanyang pagtakbo sa Senatorial race sa national elections sa Mayo ng 2016.
- Latest