MANILA, Philippines – Ginamit ni Briton world super bantamweight king Scott Quigg ang paghingi ng mataas na premyo para maiwasan si dating world five-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sinabi ni Cameron Dunkin, manager ni Donaire, na kinakabahan si Quigg dahil sa pagiging knockout artist ng tubong Talibon, Bohol.
Dahil dito ay humihingi si Quigg kay Bob Arum ng malaking premyo na hindi kakayaning tapatan ng Top Rank Promotions.
“He doesn’t really want to fight Donaire,” sabi ni Arum kay Quigg ng Manchester, England.
Nagmula si Donaire sa second-round knockout victory kay Anthony Settoul ng France sa kanilang 10-round, non-title bout noong Hulyo sa Macau.
Ayon kay Dunkin, ayaw niyang mahinto ang ratsada ni Donaire.
“I don’t want him not to fight the rest of the year,” wika ni Dunkin kay Donaire. “He’s on a roll and I want to keep it.”
Si Donaire ay ang dating IBF/IBO flyweight, WBA interim super flyweight, WBO/WBC bantamweight, WBO/IBF super bantamweight at WBA featherweight champion.
Nauna nang inihayag ni Arum na pipilitin nilang maitakda ang paghahamon ni Donaire kay Quigg sa Nobyembre sa Manchester, England.
Kasalukuyang sumasakay si Quigg sa isang 31-fight winnning streak na gusto sanang wakasan ni Donaire.