San Beda gusto uling sumosyo

MANILA, Philippines – Magpipilit makabangon ang San Beda College mula sa naunang kabiguan para mu-ling makasosyo ang Letran College sa liderato.

Lalabanan ng five-peat champions na Red Lions ang sibak nang Lyceum Pirates ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng mga talsik nang San Sebastian Stags at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2 sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nabigo ang Knights na mapataas ang kanilang estado nang matalo sa Mapua Cardinals, 77-82 noong Martes na nagbaba sa kanilang baraha sa 11-3.

Hangad naman ng San Beda na makabawi mula sa 86-88 kabiguan sa Perpetual Help kung saan isinalpak ni Nigerian import Bright Akhuetie ang kanyang winning basket.

Paboritong manalo ang Red Lions laban sa Pirates na kanilang pinatumba, 97-74 sa first round noong Hulyo 21.

Muling sasandigan ng San Beda sina Nigerian reinforcement Ola Adeo-gun, pro-bound Arthur Dela Cruz at ang nagbabalik na si Baser Amer.

Matapos ang Pirates ay susunod na lalabanan ng Red Lions ang Stags sa Setyembre 22, ang Cardinals sa Setyembre 25, ang Arellano Chiefs sa Oktubre 1 at ang Knights sa Oktubre 6.

Kagaya ng San Beda, nagmula rin sa kabiguan ang Lyceum nang matalo sa Mapua, 66-70.

Samantala, pinatawan naman ng NCAA ng one-game suspension sina Michole Sorela ng San Beda, Gio Lasquety ng Jose Rizal at Denniel Aguirre ng Mapua dahil sa pagkakasangkot sa nakaraang mga insidente.

Napatalsik si Sorela sa laro matapos matawagan ng disqualifying foul nang suntukin si Kevin Oliveria ng Altas sa kanilang laro noong nakaraang Huwebes.

Pinaalis din sa laro si Lasquety sa kanilang banggaan ng St. Benilde Blazers noong Martes.

Natawagan naman si Aguirre ng flagrant foul sa kanilang laban ng Knights at hindi makakalaro sa pagsagupa ng Cardinals sa Chiefs bukas.

Show comments