MANILA, Philippines – Mahalaga para sa Gilas Pilipinas ang bawat panalong makukuha para sa kanilang tsansa sa 2016 Olympic berth sa Rio de Janeiro.
Ito ang sinabi ni Gilas coach Tab Baldwin sa panayam ng mga Cebuanao sportswriters sa koponan kahapon.
“Our goal is to win eve-ry single game out there. We’ll have all the information we need about all the teams out there,” wika ni Baldwin.
Maliban kina Andray Blatche at Sonny Thoss, dumalo ang Nationals sa press conference sa pagitan ng kanilang dalawang practice sessions sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City.
Minabuti ng Gilas na ilipat ang kanilang training camp sa Cebu para mailayo sa kanilang mga pamilya at matutukan ang huling linggo ng pagha-handa para sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China na nakatakda sa Sept. 23-Oct. 3.
“Two-a-day practices in Manila means sitting inside the car maybe four hours. Cebu takes that problem away from us,” sabi ni Baldwin.
Nakatira ang Nationals sa Crown Regency Suites and Residences na limang minuto ang layo sa Hoops Dome.
Sa kanilang ikatlong araw, sasabak ang Gilas sa weight training ngayong umaga sa Plantation Bay bago bumalik sa Hoops Dome para sa kanilang evening practice.
Dalawang beses naantala kahapon ang kanilang morning practice dahil sa pagkakalaglag ng ring mula sa mga slam dunk nina Blatche at Calvin Abueva.
Apat pang ensayo ang gagawin ng Nationals bago dumiretso sa Changsha sa Lunes.
Magbabalik ang grupo sa Manila mula sa Cebu sa Biyernes ng gabi at sa Linggo ay kanilang gagawin ang final practice session sa Meralco Gym.
Unang makakatapat ng Gilas Pilipinas ang Pa-lestine sa Sept. 23 kasunod ang Hong Kong at Kuwait sa Group B sa prelimina-ries ng FIBA Asia. (NB)