Baby Dalupan trophy igagawad kay Austria
MANILA, Philippines – Dalawa sa tatlong conference titles ang sinikwat ng San Miguel sa nakaraang season.
Sapat na ito para ibigay kay Leo Austria ang 2015 SCBC-8 Entertainment Corporation-Coach of the Year sa pagdaraos ng PBA Press Corps (PBAPC) ng Annual Awards Night sa Miyerkules sa Century Park Hotel.
Sa pag-angkin sa korona ng Philippine Cup ay nilusutan ng San Miguel ang Alaska sa Game 7 kasunod ang kanilang pagkakasibak sa playoffs ng sumunod na Commissioner’s Cup.
Bumangon naman ang Beermen para pagharian ang Governors’ Cup matapos walisin ang Aces, 4-0, sa kanilang serye.
Igagawad sa dating Rookie of the Year (1985) ang Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year Trophy na ipinangalan sa legendary Crispa Redmanizers mentor.
Nagsimula ang coaching career ni Austria sa PBA nang palitan si John Moran sa Shell kasunod ang paggiya sa Welcoat Paints (ngayon ay Rain or Shine) noong 2006.
Umalis ang 57-anyos na si Austria sa pro league makaraan ang dalawang seasons para tulungan ang Adamson University Falcons sa kampanya sa UAAP kasunod ang paggiya sa SMBeermen sa ASEAN Basketball League (ABL) kung saan sila naghari noong 2013.
- Latest