MANILA, Philippines – Dahil sa ginawang pandaraya ni Floyd Mayweather, Jr, isang araw bago ang kanilang laban ni Manny Pacquiao noong Mayo 2 ay naapektuhan din ang benta ng tiket para sa pakikipagtuos niya kay challenger Andre Berto ngayon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Kumpara sa dinumog nilang mega showdown ni Pacquiao, ilang daang tiket naman ang hindi nabili para sa laban ni Mayweather kay Berto.
Ang isa sa mga dahilan ay ang isyu sa paraan ng pagtuturok ni Mayweather ng IV treatment bago niya sagupain si Pacquiao.
“I’ve always done things the honest way. People are going to have their opinions regardless of what I say,” sabi ni Mayweather.
Tatanggap lamang si Mayweather ng guaranteed purse na $32 milyon sa kanyang pagharap kay Berto kumpara sa $250 milyon na nakuha niya sa unanimous decision win laban kay Pacquiao noong Mayo 2 sa MGM Grand.
Kung mananalo si Mayweather (48-0-0, 26 KOs) kay Berto (30-3-0, 23 KOs) ay mapapantayan niya ang record na 49-0-0 ni boxing great Rocky Marciano na nagretiro noong 1962.
Sinabi ni Mayweather na ito na ang pinakahuli niyang laban at handa na niyang isuko ang kanyang 19-year professional career.
May mga nagsasabi ring sakaling manalo kay Berto ay inaasahang tatargetin ni Mayweather ang ika-50 niyang panalo para higitan si Marciano.