MANILA, Philippines – Pararangalan si outgoing PBA chairman Patrick Gregorio, nagsilbing alternate governor ng Talk ‘N Text, bilang 2015 Accel-Executive of the Year sa pagdaraos ng PBA Press Corps (PBAPC) ng Annual Awards Night sa Setyembre 16 sa Century Park Hotel.
Tatanggapin ng Tropang Texters executive ang award na ipinangalan kay legendary Crispa Redmanizers team owner Danny Floro sa taon kung saan nagtala ang pro league ng bagong record ng bilang ng mga koponan at mataas na crowd attendance.
Sa ilalim ng termino ni Gregorio ay nagkaroon ang PBA ng 12 teams sa pagpasok ng Kia Motors at Blackwater.
Ipinagdiwang din ng liga ang kanilang ika-40 season sa pamamagitan ng marangyang opening ceremony na humakot ng all-time crowd attendance na 52,612 sa bagong Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Isinalang din ang mga Asian imports sa season-ending Governors’ Cup.
Makakasama ni Gregorio sa special gala night sa Miyerkules sina June Mar Fajardo, ang Gerry’s Grill-Defensive Player of the Year, Calvin Abueva (Mr. Quality Minutes), Alex Cabagnot (Comeback Player), Paul Lee (Order of Merit), at ang All-Rookie Team nina Stanley Pringle, Chris Banchero, Jericho Cruz, Matt Ganuelas-Rosser at Jake Pascual.