MANILA, Philippines - Bagama’t nalantad na ang pandarayang ginawa ni Floyd Mayweather, Jr. sa kanilang laban noong Mayo 2, nanatili pa ring mahinahon at mapagkumbaba si Manny Pacquiao.
Sa isang panayam kahapon ay sinabi ni Pacquiao na umaasa siyang magbabago pa ang 38-anyos na si Mayweather, isang araw matapos lumabas ang report ng SB Nation tungkol sa kanyang ginawang intravenous treatment.
“I hope, Floyd Mayweather would learn a good lesson out of it,” wika ng Filipino world eight-division champion sa American world five-division titlist na nakatakdang labanan si Andre Berto bukas sa MGM Grand para sa sinasabing pinakahuling laban na niya.
Nauna nang inakusahan ng kampo ni Mayweather si Pacquiao na gumagamit ng performance-enhancing drugs (PEDs) o mga banned substance sa kanyang mga laban.
“Truth finally came out and I was vindicated,” sabi ni Pacquiao. “(The) Mayweather camp used to accused me of using PEDs (performance enhancing drugs). Now, look at what happened.”
Sinasabing nagpaturok si Mayweather ng dalawang saline at multivitamins at Vitamin C na katumbas ng 16 porsiyentong dami ng dugo sa isang normal na lalaki para labanan ang dehydration isang araw matapos ang weigh in nila ni Pacquiao.
Ang nasabing mixture ay hindi banned, ngunit ang maramihang pagtuturok nito ay ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency dahil maaari nitong takpan ang anumang illegal substances sa dugo ng isang atleta.
Nakakuha si Mayweather ng therapeutic use exemption (TUE) mula sa U.S. Anti-Doping Agency para sa kanyang intravenous treatment na kanyang hiniling noong Mayo 19. Ipinagbigay-alam naman ito ng USADA kina Arum at sa Nevada State Athletic Commission noong Mayo 21 isang araw matapos nila itong aprubahan.
“USADA has a lot of explaining to do,” wika ni Arum sa ESPN. “When we learned about this I was outraged. But I can’t just bay at the moon. What legal redress do we have? I have the information, our lawyers got it, but what were we supposed to do with it? Ask for the decision to be reversed? I really think people have to look closely at USADA and investigate what’s going on with them.”
Matatandaang ibinasura ng Nevada State Athletic Commission ang kahilingan ni Pacquiao na maturukan siya ng painkiller na Toradol para mabawasan ang kirot ng kanyang injured rotator cuff bago labanan si Mayweather kahit ito ay pinayagan ng USADA.