Court of Honour pinagharian ang Lakambini Stakes race
MANILA, Philippines – Nakitang muli ang husay ng Court Of Honour sa bakuran ng Santa Ana Park nang pagharian ang 2015 Philracom Lakambini Stakes race na siyang tampok na karera kahapon sa Naic, Cavite.
Si John Alvin Guce muli ang hinete ng kabayo na naunang nagpasikat sa race track nang tanghaling kampeon sa 2nd leg ng Triple Crown noong Hunyo na pinaglabanan sa 1,800-metro distansya.
Sa mas maigsing 1,600-metro isinagawa ang karera at nahigitan ng tatlong taong filly na may lahing Sir Cherokee at Twelve Or Never ang lakas ng Gentle Strength sa pagdadala ni Jonathan Hernandez.
Balikatan sa rekta ang dalawang napaborang kabayo pero buo pa na dumating ang Court Of Honour para manalo ng isang dipa sa Gentle Strength.
May 1:38.8 sa kuwartos na 25’, 23, 23’, 26, ang naging tiyempo ng kabayo para angkinin pa ang P720,000.00 premyo mula sa P1.2 milyon na pinaglabanan. Ang dagdag kita ay magreresulta para pumalo na sa mahigit P3.5 milyon ang kinita ng kabayo.
Slight favorite ang Gentle Strength dahil nanalo ito sa Bagatsing Cup I noong nakaraang buwan pero tila naubos ito nang agad na sinabayan ang maagang pag-arangkada ng banderistang Stargazer.
Sumunod lamang ang Court Of Honour at sa tres octavo ay nag-init na ito. Tangan ang balya ay nasabayan na ang pagremate ng Gentle Strength na nasa labas pero sa pagpasok sa huling 50-metro ay napalabas pa ni Guce ang nakareserbang lakas ng kabayo para mabigyan ng tagumpay ang horse owner Honorato Neri.
Pumangatlo ang Princess Ella ni Val Dilema bago pumasok ang Stargazer ni Jordan Cordova. Ang coupled entry ng Stargazer na Burbank ni Pat Dilema at Leona Lolito sa pagdiskarte ni Jeff Zarate ang kumumpleto sa datingan.
Dikitan ang benta ng Court Of Honour at Gentle Strength para makapagbigay pa ng P12.50 sa win habang ang forecast ay umabot sa P27.50.
- Latest