BANGKOK – Hindi nakayanan nina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial ang kanilang mga mas matitinding kalaban.
Kapwa lumasap ng kabiguan sina Ladon at Marcial sa kanilang mga finals matches sa ASBC Asian Boxing Championships kahapon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Natalo si Ladon kay Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan, 2-0, habang nabigo naman si Marcial kay reigning Asian Games champion Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan, 0-3.
Dahil dito ay nakuntento na lamang sina Ladon at Marcial sa silver medal.
Lumaban nang sabayan ang tubong Zamboanga na si Marcial kay Yeleussinov, beterano ng 2012 London Olympics.
Subalit nangibabaw ang eksperyensa ng Kazakh fighter.
Bagama’t natalo ay kakampanya pa rin ang 21-anyos na si Ladon at ang 19-anyos na si Marcial sa darating na AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oktubre 5-15.
Ang Doha event ang magsisilbing qualifier para sa 2016 Olympic Games.
Nabigo si Filipino flyweight Ian Clark Bautista, napatalsik sa quarterfinals, na makasikwat ng tiket sa naturang Doha meet dahil hindi siya nakapasok sa top six ng kanyang weight division.
“Everyone fought well but obviously some adjustments need to be made,” sabi ni ABAP executive director Ed Picson.