TAIPEI -- Hindi matatawaran ang puso ng Gilas Pilipinas.
Bumangon ang Nationals mula sa 16-point deficit sa third period para resbakan ang Wellington Saints ng New Zealand sa overtime, 92-88 na tinampukan ng tatlong three-point shots ni Dondon Hontiveros sa 37th William Jones Cup kahapon dito sa Xinzhuang Gymnasium.
Itinaas ng Gilas Pilipinas ang kanilang baraha sa 4-2 at para magkaroon ng tsansa sa korona at kailangan na lamang nilang walisin ang huling dalawang laro kasabay ng pagkatalo ng Iran (5-1) at host Chinese-Taipei (4-1).
Kung magkakaroon ng three-way tie ay ma-dedetermina ang kampeon sa pamamagitan ng tiebreak system.
Matapos ilista ng Saints ang 57-41 bentahe sa third period ay binanderahan naman nina Jayson Castro at Calvin Abueva ang pagbangon ng Nationals para makalapit sa 70-72 agwat bago nagtabla ang iskor sa 78-all sa basket nina Castro at Asi Taulava para itulak ang laro sa extra period.
Binuksan ni Hontiveros ang overtime ng kanyang tres bago isunod ang dalawa pa para sa 87-84 abante ng Gilas.
Tinapos ng 37-anyos na Cebuano hotshot ang kanyang pagbibida makaraang maikonekta ang dalawang free throws sa nalalabing pitong segundo.
Samantala di na makakalaro si Andray Blatch sa Jones Cup dahil ‘di siya makakabalik agad.
Gilas Pilipinas 92 - Castro 22, Hontiveros 21, Thoss 11, Abueva 11, Taulava 10, David 5, Norwood 3, Rosario 3, Pingris 2, Tautuaa 2, Ramos 2, Ganuelas-Rosser 0.
New Zealand 88 - David 31, Ruscoe 17, Devendorf 14, Turner 10, Newton 5, Ekenasio 5, Adams 4, Mills 2, Bloxham 0.
Quarterscores: 25-25; 32-42; 52-59; 78-78 (Reg); 92-88 (OT).