BANGKOK – Tatangkain nina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial na makakuha ng finals seat sa ASBC Asian Boxing Championships dito sa Thammasat University Gymnasium.
Lalabanan ni Ladon, tinalo ang mga boksinge-ro ng Kyrgyzstan at Tajikistan, si Gan-Erdene Gankhuyag ng Mongolia sa semifinal round.
Makakasagupa naman ni Marcial, hangad ang kanyang ikaapat na sunod na panalo, si Suzuki Ya-suhiro ng Japan.
Ang 21-anyos na si Ladon at ang 19-anyos na si Marcial ang kumakatawan sa mga batang pambato ng Association of Boxing Alliances in the Philippines sa ilalim ni Ricky Vargas.
Sa kanilang pagpasok sa semis ay kapwa nakakuha sina Ladon at Marcial ng tiket para sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oktubre na siyang qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
Maaari pang makapasok si flyweight Ian Clark Bautista, natalo sa quarterfinals kay Azat Usenaliev noong Miyerkules, sa Doha kung pupuwesto siya sa top six ng kanyang weight division sa pagtatapos ng torneo.
“So far, so good. We have two boxers in the semis and one with a chance of making it to Doha. We sent only five boxers here,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
“Kaya natin yan,” sabi naman ni head coach Pat Gaspi katuwang sina Boy Velasco at 1994 Hiroshima Asian Games gold medalist Reynaldo Galido.
Nauna nang tinalo ni Marcial, ang gold medalist sa 2011 World Junior (15-16 years) Championships at ang reigning SEA Games champion sa 69 kg,. sina Uulo Erkinbek Bolotbrk ng Kyrgyzstan at second seed Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Binigo naman ni Marcial si Thai veteran Saylom Ardee noong Miyerkules.
“Beterano talaga. Magulang. Sobrang wais. Nahilo talaga ako sa third round. Halos hindi ko na siya makita,” sabi ni Marcial sa naging laban niya kay Ardee.
Sinabi ni Marcial na handang-handa na siya sa semis.
“Hindi pa ito ang laro ko,” wika nito.
Atat na ring sumabak si Ladon sa kanyang semis matchup kontra sa boxer mula sa Mongolia.
“Ready na po. Isa lang ang dapat gawin – maging aggressive,” ani Ladon.
“Mabuhay! All the way!” sabi ni Vargas sa kanyang text message sa mga boxers.
Ang finals sa lahat ng 10 weight classes ay gaganapin bukas.