MANILA, Philippines – Wala nang puwedeng patunguhan ang Adamson Falcons at UP Maroons kungdi ang umakyat sa gaganaping 78th UAAP men’s basketball na magsisimula sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi nakalipad ang Falcons at Maroons noong nakaraang taon nang magtala lamang ng 1-13 karta dahilan upang palitan ang kanilang mga coaches.
Ang dating assistant coach na si Mike Fermin ang siyang iniluklok bilang head coach ng Falcons at wala siyang pag-aalinlangan na aangat ngayon ang koponan.
“Wala namang paninibago dahil last year ay pinagbibigyan din ako ni coach Kenneth (Duremdes) na dumiskarte sa team. Hindi ko naman binago ang sistema at nagdagdag lang nang kaunti,” wika ni Fermin.
Wala na sa koponan ang mga scorers na sina Don Trollano at Jansen Rios at limang beterano lamang ang magbabalik pero matibay ang kumpiyansa ni Fermin na gamit ang speed at pagtutulungan ng lahat at ang inaasahang kontribusyon sa depensa at rebound ni 6’8” import Cherif Sarr ay makakapanilat sila sa ibang kasaling koponan.
“Modest goal this year is to win as many games as possible para mag-improve kami dahil kulelat kami last year. Kung ano ang pagkakataong ibibigay sa amin, dapat i-grab namin,” sabi pa ni Fermin.
Tinapik sa UP si Rensy Bajar para bigyan ng ningning ang hosting ng State University bagay na ginarantiya ng dating batikang pointguard.
May kumpiyansa si Bajar dahil sa magandang ipinakita ng Maroons sa mga pre-season leagues na sinalihan. Nagkampeon ang UP sa Filsports Basketball Association at sa pagtungo sa Taiwan para sa apat na exhibition games ay tatlo ang kanilang naipanalo.
“Ok naman ang team at excited na sila. Ang trademark siguro ng team nga-yon ay magiging defensive team kami,” wika ni Bajar.
Walong beterano ang babalik kasama sina Paul Desiderio at Jett Manuel na hindi naglaro noong nakaraang taon.
“We’re aiming for the Final Four and we have a good chance of achieving it dahil may stability ang team ngayon,” paniniyak pa ng rookie coach. (AT)