TAIWAN – Matapos maharap sa pisikal na laro kontra sa Russia na nagpatibay ng kanilang samahan, nagawang lusutan ng Gilas Pilipinas ang Japan, 75-60 upang makalapit sa nangungunang Iran sa kalagitnaan ng 2015 Jones Cup na nagpatuloy kahapon sa Xinchuang Gymnasium dito.
“The bonding from the battle (laban sa Russia) may have flowed to the spirit of the team,” sabi ni Gilas coach Tab Baldwin. “The team is enjoying a great spirit. They’re enjoying each other’s company. Off-court chemistry is flowing on the court.
Dala ang init ng naitalang 85-71 panalo laban sa Spartak-Primorye ng Russia sa matensiyong laro noong Martes, nagpaulan ang Gilas sa lahat ng sulok ng court upang itala ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos mabigo sa kanilang opening game.
Hangad ng Gilas ang liderato sa pagharap sa reigning FIBA Asia champion Iran sa tampok na laro sa alauna ng hapon ngayon.
Nauna rito, pinigilan naman ng USA Select-Overtake ang sunud-sunod na panalo ng Iran sa pamamagitan ng 81-66.
Nagtala si Calvin Warner, naging import ng Globalport sa PBA kamakailan lamang, ng 34 points bukod pa sa 12 rebounds at 4-assists upang ipalasap ng mga Kano sa Iranians ang unang talo sa 5-laro. Sinamantala ng US ang pagpapahinga ng Iran kay 7-foot-2 star center Hamed Haddadi.
Bilang paghahanda sa Iran game, minabuti ni Gilas coach Tab Baldwin na ipahinga sina Asi Taulava at Sonny Thoss kasama sina Dondon Hontiveros at Jimmy Alapag.
Samantala, umuwi na sa U.S. ang Fil-Am Lakers player na si Jordan Clarkson matapos obserbahan ang Gilas. Inaasahang maisasama sa Gilas si Clarkson sa FIBA Asia Championships kung papayagan ng FIBA . (NB)