LOS ANGELES -- Nang hindi panindigan ni free-agent center DeAndre Jordan ang isang verbal agreement para maglaro sa Dallas Mavericks ay naisip ng mga analysts at observers kung ano ang nagpabago sa kanyang isipan para bumalik sa Los Angeles Clippers.
Isa sa mga sinasabing dahilan ay ang kanyang agent na si Dan Fegan, matagal nang kakilala si Mavericks’ team owner Mark Cuban.
Kamakailan ay sinabi ni Jordan kina Fegan at Jarinn Akana ng Relativity Sports na mag-iiba na siya ng direksyong tatahakin.
Kahit na aalis na siya sa Relativity Sports ay kailangan pa rin ni Jordan na bayaran ang agency ng 4 porsiyento sa kanyang nilagdaang four-year, $88 million contract sa Clippers.
Tatlong agents na ngayon ang iniwan ni Jordan sa pitong season.
Ito ay si Joel Bell, ang Wasserman Media Group at ang Relativity Sports.
Umalis na rin ang Clippers teammate ni Jordan na si Austin Rivers sa Relativity para lumipat sa ASM Sports.
Sa mga report na lumabas matapos bumalik si Jordan sa Clippers, sinasabing tila itinulak siya ni Fegan sa Mavericks dahil sa relasyon nito kay Cuban.
Hindi ipinaalam ni Jordan kay Fegan ang kanyang desisyong ibasura ang nauna nilang kasunduan ng Mavericks para muling maglaro sa Clippers.
Samantala, pinapirma ng Clippers si free agent veteran Chuck Hayes.
Nagtala ang center-power forward ng mga averages na 1.7 points at 1.8 rebounds sa 29 games para sa Toronto sa nakaraang season.
Naglaro rin ang 10-year NBA veteran para sa Houston Rockets at Sacramento Kings.
Ang kanyang mga career averages ay 3.7 points, 5.0 rebounds at 1.2 assists.
Ang 32-anyos na si Hayes ay isang undrafted player noong 2005 at produkto ng Kentucky University.