Bautista, Marcial target ang semis berth sa ASBC
BANGKOK – Alam nina flyweight Ian Clark Bautista at welterweight Eumir Felix Marcial ang kahalagahan ng kanilang mga laban sa quarterfinal round.
At inaasahang gagawin nila ang lahat para manalo sa hangang makakuha ng semifinals berths sa ASBC Asian Boxing Championships ngayon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Kung mananalo sina Bautista at Marcial, parehong gold medal winners sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore, ay masisikwat din nila ang tiket para sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar na nakatakda sa Oktubre 5-15.
Ang Doha event ay ang qualifier para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Kasalukuyan namang nilalabanan ni light flyweight Rogen Ladon si second seed Murodjon Rasulov ng Tajikistan habang isinusulat ito kung saan target ng tubong Negros Occidental ang semis seat.
Haharapin ni Bautista si Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan at makakatagpo naman ni Marcial si hometown bet Saylom Ardee.
Nauna nang nasibak sa torneo sina bantamweight Mario Fernandez, ang back-to-back SEA Games champion, at lightweight Charly Suarez, ang silver medalist noong 2014 Asian Games sa Incheon, sa mga boksingero ng Kazakhstan.
- Latest