Semis seat sinakmal ng Lady Bulldogs

MANILA, Philippines - Mainit na laro ang ipinakita ng apat na kamador ng National University La­dy Bulldogs para kunin ang 25-22, 25-23, 25-11 panalo kontra sa UST Tigresses at okupahan na ang ikalawang upuan sa semifinals sa Shakey’s V-League Sea­son 12 Collegiate Con­ference quarterfinals ka­hapon sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa ng 10 kills at 3 blocks tungo sa 13 puntos si Dindin Manabat, habang sina Myla Pablo, Jaja Santiago at Jorelle Singh ay may 11, 10 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para itaas ang win-loss record sa 5-1 baraha.

Tila nasira ang loob ng Tigresses sa naglalakihang Lady Bulldogs dahil walang manlalaro sa nasabing koponan ang nasa double-digits.

Ang namuno sa UST ay si Carmela Tunay bitbit lamang ang walong pun­tos para pulbusin sila sa attack points, 24-37.

Umarangkada rin ang depensa ng NU sa 9-2 upang itulak ang UST sa 4-2 baraha katulad ng nag­dedepensang FEU La­dy Tamaraws.

Sa pangyayari ito ay lalong gumanda ang tsansa ng pahingang Arellano Lady Chiefs na makahirit ng playoff sa huling puwesto sa semifinals.

May 3-3 karta ang La­dy Chiefs at kaila­ngan nilang  manalo sa St. Be­nilde Lady Blazers sa Setyembre 5 para makatiyak ng playoff dahil ang UST at FEU ang magtutuos sa ikalawang laro.

Nakabuti sa UP Lady Maroons ang  paglalaro nang walang pressure para tapusin ang limang sunod na kabiguan sa 18-25, 25-16, 25-19, 25-19 panalo sa St. Benilde Lady Bla­zers sa ikalawang laro na isang ‘no-bearing’ game dahil talsik na ang dalawang nasabing koponan.

 

Show comments