MANILA, Philippines – Naniniwalang may potensyal na maging isang PBA star, pinapirma ng Globalport si dating University of the East star Roi Sumang para sa two-year contract na nagkakahalaga ng P2.7 milyon.
Bagama’t hindi siya napili sa first at second round ng nakaraang PBA Rookie Draft, sinabi ni Globalport owner Mikee Romero na tatanggapin ni Sumang ang suweldong para sa isang first rounder.
“He was a steal, a good steal, so we decided to sign him,” wika ni Romero kay Sumang na pupunan ang naiwang puwesto ni Palestinian Omar Krayem.
Sinabi pa ni Romero na ang pagkakadagdag kay Sumang, tinaguriang “Daredevil” sa UAAP, ang magpapalakas sa kanilang backcourt rotation kasama si Joseph Yeo.
Ikinagulat ni Globalport Governor Erick Arejola na walang kumuha kay Sumang sa first at second round.
Sina Sumang at Yeo ay makikihati ng playing time kina Gilas Pilipinas pool member Terrence Romeo at 2014 No. 1 pick Stanley Pringle.
“We were told that we’re the most exciting team to watch last season because of our run-and-gun, gung-ho style of basketball,” sabi ni Romero. “For next season, we added a ‘Ninja’ and a ‘Daredevil’ to add to the team’s exciting style of play, plus veteran big guys that we need to finish the game,” dagdag pa nito.
“Getting Roi Sumang in the third round was a blessing, signing him for the team is a destiny for both Roi and for Globalport. Roi will play a vital role for the team’s core rotation,” wika ni team manager Bonnie Tan.
Kinuha rin ng Globalport sa fourth round ang 27-gulang na Fil-Am na si Ryan Wetherel na lumaro sa University of Southern California sa US NCAA Division I.