MANILA, Philippines – Hinugot siya ng Barangay Ginebra bilang No. 5 overall pick sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft noong Linggo.
Ngayon ay ipapakita ni 2014 Most Valuable Player Earl Scottie Thompson ang kanyang kahandaang maglaro sa pro league sa pagbandera niya sa Perpetual Help sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Altas ang Mapua Cardinals ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng 2014 runner up na Arellano Chiefs at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2 sa The Arena sa San Juan City.
Kasalukuyang magkasosyo sa lide-rato ang Letran Knights at ang five-peat champions na San Beda Red Lions sa magkatulad nilang 8-2 record kasunod ang Perpetual at Arellano na may 7-2 at 6-3 kartada, ayon sa pagkakasunod.
Susubukan ng Altas na makatabla sa Knights at Red Lions sa unahan sa tulong nina Thompson at 6-foot-8 Nigerian import Bright Akhuetie sa pagharap sa Cardinals.
Sa 82-79 panalo ng Perpetual laban sa Mapua sa first round noong Hulyo 15 ay nagtumpok ang 22-anyos na si Thompson ng 9 points, 12 rebounds at 10 assists, habang humakot ang 18-anyos na si Akhuetie ng 24 points at 8 boards.
Inaasahang itatapat ng Cardinals kay Akhuetie si Nigerian reinforcement Allwell Oraeme, nagtala ng mga ave-rages na 17.56 points, 19.11 rebounds at 4.22 blocks per game.
“I will just be there to play and help my team win,” sabi ni Akhuetie sa kanyang duwelo sa 19-anyos na si Oraeme.