UP, CSB Spikers must-win ngayon

MANILA, Philippines - Haharap sa must-win games ang UP Maroons at St. Benilde Blazers habang playoff ang nais ng La Salle Archers sa isasagawang Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Katapat ng Maroons ang namaalam ng FEU Tamaraws sa ganap na alauna ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Blazers at NCBA Wildcats dakong alas-3 ng hapon.

Sasalang sa huling laro dakong alas-5 ng hapon ang Archers laban sa wala pang talong National University at pakay ng La Salle ang ikaapat na panalo sa anim na laro na sasapat para makatiyak ng playoff para sa huling upuan sa semifinals.

Ang Ateneo Eagles at Bulldogs ang nakatiyak na ng puwesto sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.

Ang huling dalawang puwesto ay pinaglalaba-nan pa ng limang koponan kasama ang Maroons at Blazers na may masamang 1-4 karta.

Kung matatalo sila sa kanilang mga asignatura ay maiiwan na lamang ang La Salle, NCBA at pahingang Emilio Aguinaldo College Generals na humihinga pa.

Hindi pa nakakatikim ng panalo ang Maroons sa quarterfinals ngunit hindi sila puwedeng magpabaya sa Tamaraws na nais ding magkaroon ng disenteng pamamaalam sa torneo.

Balikatan din ang tagisan ng Blazers at Wildcats lalo pa’t ang huli ay magnanais na bumangon matapos mabigong pangatawanan ang panalo sa first set tungo sa 33-31, 18-25, 12-25, 21-25, pag-luhod sa Eagles noong Lunes. (AT)

Show comments