MANILA, Philippines – Ang magandang bentahan sa takilya at improvement sa mga racing facilities ay ilan lamang sa mga indikasyon na patuloy ang pananagana ng MetroTurf, ang pinakabagong karerahan sa bansa at maging sa Asya, na nasa Malvar-Tanauan sa Batangas.
Malaking suporta ang naibibigay sa MetroTurf ng mga major players ng industriya kaya naman ang Metro Manila Turf Club ay hindi rin tumitigil para lalo pang mapaunlad ang lugar at mga pasilidad nito.
“Magandang balita ito sa ating mga supporters at maging sa mga racingfans na tumutulong sa pagpapalaganap ng pangalan ng MetroTurf. Sa ngayon, pumapangalawa na tayo sa bentahan sa ating racing operation dahil sa ganda ng mga karerang ginaganap dito mula noong ito’y buksan sa publiko noong 2013,” ang sabi ni MMTC chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr.
Idinagdag pa niya na sunud-sunod pang mga land developments ang malapit nang ipatupad sa MetroTurf para maihabol sa mabilis na development ng Calabarzon area. “Nakahanda at malapit na nating pasimulan ang mga nakaplanong developments sa iba pang panig ng MetroTurf para mapakinabangan ang mga ito. Kaya naman dapat malaman ng ating mga supporters na patuloy ang MMTCI sa ating mga ginagawang upgrading sa ating mga pasilidad at serbisyo.”
Kilala na ang pangalan ng MetroTurf hindi lang sa karera at pagiging events place hindi lang sa parte ng Batangas kundi maging sa buong Calabarzon area kahit na halos dalawang taon pa lang ito sa kanilang operasyon.
Masarap ang simoy ng hangin kung kaya’t maraming mga kabayo ngayon ang naka-stable sa MetroTurf. May 1,000 kabayo na ang residente rito at marami pa ang gustong mailagay ang kanilang mga runners dahil sa napakagandang weather sa buong taon.
Nakalinya na rin ang mga major stakes races hanggang Disyembre at ang magandang Clubhouse at Grandstand ay lalo pang pinakaganda upang maging lugar ng iba’t ibang social events. (AT)