MANILA, Philippines – Halos hindi nakalaro si Kobe Bryant noong nakaraang season matapos operahan para ayusin ang napunit na rotator cuff.
Ang operasyong ito ang nagpuwersa kay Bryant para umiwas sa anumang basketball activities ng siyam na buwan.
Nakasunod sa tamang schedule ng kanyang progreso, ang Los Angeles Lakers star ay bumalik na kamakailan sa court para mag-practice ng kanyang shooting sa unang pagkakataon sapul nang magka-injury ito sa balikat.
Sobrang excited si Bryant na magbalik sa paglalaro ng basketball kaya nag-post ito ng kanyang picture sa Instagram na naka-suot ng shades habang nasa basketball court.
“First day back on the court shooting! Bout damn time!!” #shoulderrecovery #20thseason @drinkbodyarmor #lakers -- ang caption ni Bryant sa kanyang post.
Umaasa si Bryant na gugulatin ng Los Angeles Lakers ang buong mundo sa darating na season sa kanilang pagpasok sa playoffs.
Hindi mahirap ang misyong ito ngunit nakadepende sa magiging performance ni Bryant ang kahihinatnan ng kampanya ng Lakers.
Ngunit magandang senyales para kay Bryant at sa Lakers ang kanyang pagbabalik sa gym.
Kapag nagbalik laro na si Bryant, ito ang kanyang magiging ika-20th season sa NBA na magsisimula sa late October na maaring huli na niya.
Inaasahang hindi mamadaliin ang pagbabalik ni Bryant at sisiguraduhin nilang magaling na talaga ito bago bumalik sa aksiyon na magbibigay daan para kuminang ang mga baguhan sa team na sina Lou Williams, Roy Hibbert, Brandon Bass at rookie D’Angelo Russell.
Sisimulan ng Lakers ang kanilang season sa October 28th laban sa Minnesota Timberwolves.