CHICAGO – Mas tinutukan ng mga hurado sa isang civil trial ang market value ng pangalan ni Michael Jordan kaya siya nanalo.
Ipinag-utos ng korte sa isang grocery-store chain na bayaran si Jordan ng $8.9 milyon ukol sa paglalagay ng kanyang pangalan sa isang steak ad nang wala siyang permiso.
Ito ay malapit sa $10 milyon na sinabi ng mga abogado ni Jordan na halaga ng paggamit ng pangalan ng NBA great.
Niyakap ni Jordan ang kanyang mga abogado matapos basahin ang desisyon sa isang federal court sa Chicago kung saan nanalo siya ng anim na NBA titles para sa Bulls.
“I’m so used to playing on a different court,” sabi ni Jordan sa mga reporters sa labas ng courthouse. “This shows I will protect my name to the fullest. ... It’s my name and I worked hard for it ... and I’m not just going to let someone take it.”
Nilinaw ni Jordan na ang kaso ay “was never about money” at plano niyang ibigay ang ibabayad sa kanya sa charities sa Chicago.
Sa kanyang paglabas sa courthouse ay dalawang hurado ang humiling sa kanya na magpalitrato.
Pinagbigyan naman niya ang dalawang hurado at iniakbay ang kanyang mga kamay sa balikat ng mga ito sa harap ng cell phone camera.
Bago pa man ang paglilitis ay inihayag na ng isang hurado na may pananagutan ang Dominick’s Finer Foods sa paggamit ng pangalan ni Jordan.
Si Jordan, bilang isang endorser, ay binayaran ng Nike ng $480 milyon mula 2000 hanggang 2012.