Biado, Kiamco magtatambal sa World Cup
MANILA, Philippines - Ang bagong tambalan nina Carlo Biado at Warren Kiamco ang sasandalan ng Pilipinas para muling maghari sa 2015 World Cup of Pool na nakatakda sa Setyembre sa York Hall, Bethnal Green sa London.
Ito ang unang pagkakataon na sina Biado at Kiamco ay sasali sa kompetisyong nilalahukan ng 32 bansa, dalawa ang lahok ng host England.
Tatlong beses nang kinilala ang galing ng mga pambato ng bansa sa WCP at ang mga alamat sa bilyar na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ay nakadalawa na nangyari noong 2006 sa Wales at noong 2009 sa Pilipinas.
Sina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang nagbigay ng pangatlong titulo noong 2013 sa London.
Noong 2014 ay sina Orcollo at Corteza ang kumatawan uli sa bansa pero natalo sila sa quarterfinals.
Sina Karl Boyes at Darren Appleton ng England ang naghari noong nakaraang taon.
- Latest