Alapag pumirma ng 2-year deal sa Bolts
MANILA, Philippines - Isang two-year contract ang pinirmahan ni one-time PBA Most Valuable Player awardee Jimmy Alapag para sa kanyang bagong koponang Meralco.
Ito ay ginawa ng 37-anyos na si Alapag bago siya sumama sa Gilas Pilipinas patungong Estonia para sumabak sa isang mini tournament.
Ang naturang two-year contract ng 5-foot-7 na si Alapag, dating naglaro para sa Talk ‘N Text, ay nagkakahalaga ng P10.08 milyon.
Muling maglalaro si Alapag, ang 2003 Rookie of the Year awardee, matapos ihayag ang kanyang pagreretiro noong Pebrero sa 2015 PBA All-Star sa Puerto Princesa, Palawan.
Hinikayat si Alapag ni coach Tab Baldwin na sumama sa ensayo ng Gilas Pilipinas training pool noong Agosto 3.
At matapos ito ay nakumbinsi ni Baldwin si Alapag na tulungan ang Nationals para sa darating na 2015 FIBA Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsha, China.
Si Alapag ang tumayong lider ng Gilas Pilipinas ni mentor Chot Reyes noong 2013 FIBA Asia Championships sa Manila at noong 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Maglalaro si Alapag para sa kanyang pang-13 season sa PBA.
Samantala, pumirma na din ng kanilang mga maximum three-year deals sina Jeff Chan (Rain or Shine), Alex Mallari (Star) at Cliff Hodge (Meralco).
Pinirmahan nina Chan, Mallari at Hodge ang kanilang mga kontrata na nagkakahalaga ng P15.12 milyon.
- Latest