MANILA, Philippines - Nasilayan ang matibay na takbo ng Mount Iglit para makuha ang kauna-unahang panalo sa horse racing nang magkampeon sa 2YO Maiden Division noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang dalawang taong colt ay diniskartehan ni JPA Guce para sa may-ari na si Wilbert Tan at ginamit nito ang malakas na pagremate para maisantabi ang naunang malakas na pag-arangkada ng paboritong Alki ni Dominador Borbe Jr.
Sa 1,300-metro distansya pinaglabanan ang karera at ang Alki ay agad bumandera sa pagbukas ng aparato at lumayo nang hanggang apat na dipa sa apat na iba pang katunggali.
Ngunit napagod ito habang nag-init na ang Mount Iglit at sa far turn ay kinuha na ang liderato.
Napanatili ng sakay ni Guce ang tiyempo tungo sa halos dalawang dipang agwat sa Alki.
Bago ang labanang ito ay nagwagi ang Alki sa isang Novato race sa Metro Turf noong Agosto 7 habang ang Mount Iglit ay pumangalawa lamang sa ganitong karera noong Agosto 13 sa pagdiskarte ni Jessie Guce.
Ang This Time na sakay ni JB Guce, Show The WIP at Rolling Mil ang kumumpleto sa datingan ng limang naglaban.
Umabot pa sa P25.00 ang ibinigay sa win habang ang 1-5 forecast ay mayroong P17.00 dibidendo.
Nagpatuloy naman ang pagpapanalo ng Never Cease at Sky Tripper nang dominahin ang mga nilahukang karera.
Si Jonathan Hernandez ang dumiskarte sa Never Cease na kinuha ang ikalawang sunod na panalo at pang-apat na dikit mula Hunyo matapos pagharian ang class division race sa 1,300m distansya.
Pumangalawa ang Immaculate kahit may pinakamabigat na handicap weight sa anim na tumakbo sa 58 kilos. Ang Sky Tripper na hinawakan pa rin ni class D jockey YL Bautista ay nanalo rin sa ikalawang sunod na takbo sa buwang kasalukuyan.