MANILA, Philippines - Habang nasa mainit na paghahanda si Fil-Am challenger Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ay nagkakaproblema naman ang kampo ni Nicaraguan world flyweight king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez.
Apat na sparmates ang planong kunin ni trainer Arnulfo Obando para sa training camp ni Gonzalez. Ngunit wala pang nakukuhang visa sina Henry Maldonado, Carlos Buitrago, Felix Alvarado at Elvis Guillen.
“The problem we have right now are the visas. We are going through the procedures. If we manage to get them, the sparring partners will travel to the camp in September,” sabi ni Obando.
Target ng 34-anyos na si Viloria na maagaw sa 28-anyos na si Gonzalez ang hawak nitong World Boxing Council flyweight crown sa kanilang bakbakan sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Dating suot ni Viloria ang World Boxing Association at World Boxing Organization flyweight titles at ang WBC light flyweight belt.
Ibinabandera ni Viloria ang kanyang 36-4-0 win-loss-draw ring record kasama ang 22 KOs, habang bitbit ni Gonzalez ang 43-0-0 (37 KOs) card.
Ang Viloria-Gonzalez championship fight ay nasa undercard ng upakan nina Gennady Golovkin at David Lemiuex na isasaere ng HBO sports via pay-per-view.
Nang maisuko ang mga suot na WBA at WBO flyweight belts kay Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang ipinoste ni Viloria.
Tampok dito ang tatlong knockout.
Ang huling pinabagsak ni Viloria ay si da-ting world title challenger Omar Soto sa first round noong Hulyo 25 sa Hollywood, California.