MANILA, Philippines – Gumawa ng 25 puntos si Marck Jesus Espejo upang pangunahan ang apat na manlalaro ng Ateneo Eagles na nasa doble-pigura para ikasa ang 25-21, 20-25, 25-23, 25-23 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tagisan ito ng mga kampeon sa collegiate leagues na UAAP at NCAA at si-nandalan ng Eagles ang magandang pagtutulungan para angkinin ang upuan sa semifinals sa 5-0 baraha.
Matapos gumawa ng season-high na 35 puntos sa natalong laro laban sa St. Benilde Blazers noong Lunes, mainit pa rin si Howard Mojica sa kinamadang 41 puntos, 38 rito ay sa attack points.
Pero ang sumunod na scorer para sa Generals ay si Keith Melliza bitbit ang pitong puntos lamang para sa ikatlong pagkatalo matapos ang limang laro.
Nagpakawala si Espejo ng kill mula sa back row para ibigay ang momentum sa Ateneo bagay na hindi na nila binitiwan para magpatuloy ang paghahabol ng titulo sa liga.
Tinapos naman ng NCBA Wildcats ang apat na sunod na pagpapanalo ng La Salle Archers sa 25-27, 22-25, 25-22, 25-23,15-9 panalo sa ikalawang laro.
Hindi nasiraan ng loob ang Wildcats kahit nakuha ng Archers ang naunang dalawang sets at sa huli ay bumigay ang katunggali para magsalo ang dalawang koponan sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa 2-2 karta.
Si John Paul Domingo ay may 16 attacks, 2 blocks at 1-ace para pangunahan ang NCBA. (AT)