MANILA, Philippines - Dahil miyembro sila ng training pool ng Gilas Pilipinas ay pinayagan ng PBA sina Fil-Tongan Moala Tautuaa at National University star Jeth Troy Rosario na ‘di dumalo sa Gatorade Draft Combine na nakatakda ngayon at bukas sa Hoops Center sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Sa naturang aktibidad ay may pagkakataon ang 12 PBA coaches na sukatin ang kakayahan ng 62 pang aplikante na hahanay sa 2015 PBA Rookie Draft sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
“This undertaking is a must for all applicants so I hope everyone will be there. For the coaches, this gives them the chance to assess their prospects for Sunday’s Draft,” sabi ni PBA Commissioner Chito Narvasa.
Nakasama sina Tautuaa at Rosario ng Gilas Pilipinas sa pagbiyahe noong Lunes ng gabi patu-ngong Estonia para sa isang mini tournament.
Makakasagupa ng Nationals sa mini tournament ang mga koponan ng Iceland, Estonia at Netherlands.
Ang 6-foot-7 na si Tautuaa at ang 6’8 na si Rosario ang inaasahang pag-aagawan sa first round ng 2015 PBA Rookie Draft kung saan ang Talk ‘N Text ang hihirang sa No. 1 overall pick.
Pumayag si Tautuaa na maging back-up player ng Gilas Pilipinas matapos magkaroon ng MCL injury sa tuhod si Kelly Williams at tumanggi namang maglaro sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, LA Tenorio at Marc Pingris.
Ipapakita ng mga aplikante sa Gatorade Draft Combine ang kanilang mga kondisyon at husay sa harap ng 12 PBA coaches.
Sa Day 1 ay hahatiin sa dalawang grupo ang mga players na sasailalim sa anthropometry (kasama dito ang basic measurement kagaya ng height, weight at arm span), functional movement screen (susukat sa movement patterns, limitations, tightness at muscle weaknesses), single leg hop test (tututukoy sa injury risk) at performance test (sumusukat sa skills katulad ng agility, speed, endurance at strength).
Sa isang mini-tournament sa Day 2 ay hahatiin ang mga players sa walong koponan na hahawakan ng mga PBA assistant coaches.