MANILA, Philippines – Ipinakilala ng kanyang amang Australiano na si Alvin sa larong golf noong siya ay 6-anyos pa lamang bago ito namatay dahil sa cancer noong 1999.
Kinailangan naman ng kanyang Pinay na inang si Dening na ibenta ang kanilang bahay, kumuha ng ikalawang trabaho at mangutang sa kanyang mga tiyuhin at tiyahin para maipasok siya sa isang golf academy.
Noong Nobyembre ng 2013 ay namatay ang kanyang lola at pito pang kamag-anak dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban, Leyte.
Alam ni Fil-Australian Jason Day na ang lahat ng ito ay may magandang kapalit.
Inangkin ni Day ang una niyang major title matapos pagharian ang PGA Championship para ibulsa ang premyong $1.8 milyon.
“It’s just an amazing feeling, an amazing story to really be able to tell people, to give them insight on what I felt and the emotions that I’ve gone through growing up as a kid in Australia and losing my dad very young,” sabi ng 27-anyos na si Day, naging lasenggo sa edad na 12-anyos.
“That’s why a lot of emotion came out for me. Just knowing that my mom took a second mortgage out on the house, borrowed money from my aunt and uncle, just to get me away from where I was to go to school, seven hours drive,” dagdag pa nito.
Tinapos niya ang laro mula sa ipinanalong 5-under 67 para sa kanyang three-shot victory at binasag ang major champion-ship record ni Tiger Woods para sa pinakamaraming strokes under par para sa 20 under.
Walang pagsidlan ng kasiyahan ang kanyang inang si Dening, nanirahan sa Australia tatlong dekada na ang nakakalipas.
“I was so excited, I was so proud of him,” wika ni Dening sa panayam ng Australian Broadcasting Corp. “It has been a long time coming for him. It’s a culmination of all his hard work.”
Si Day ang pang-limang Australian na nanalo ng PGA title.