MANILA, Philippines – Noong 2011 pa hu-ling lumaban si Donnie ‘Ahas’ Nietes sa harap ng kanyang mga kababayan sa Bacolod City.
Muling maghihintay ang mga fans ng Filipino WBO light flyweight champion at dating minimumweight titlist na mapanood siya sa aksyon sa susunod na taon.
“We can do the Bacolod fight in March next year,” sabi ni ALA Promotions chief Michael Aldegeur sa 33-anyos na tubong Murcia, Negros Occidental na nakatakdang lumaban sa Oct. 17 sa StubHub Center sa Carson City, California.
Gusto sana ng ALA Promotions na itakda ang laban ni Nietes sa open-air na Panaad Stadium.
“We wanted to accommodate all the fans in Bacolod. But since there are still rains in November, we can do it in March,” wika ni Aldeguer sa paplantsahin nilang laban ni Nietes sa Bacolod City sa susunod na taon.
Huling lumaban si Nietes sa Bacolod City sa La Salle Coliseum noong Oktubre 8, 2011 nang kunin niya ang unanimous decision win laban kay Ramon Garcia Hirales ng Mexico.
Matapos ito ay walong beses lumaban si Nietes sa Manila, Cebu at Dumaguete para sa kanyang 28-fight winning streak.
Huling lumaban si Nie-tes sa ibang bansa noong Agosto 14, 2010 nang talunin niya si Mexican Mario Rodriguez sa Guasave, Sinaloa sa Mexico.
Pangungunahan ni Nietes ang Pinoy Pride: Filipinos Kontra Latinos card na ihahandog ng ALA Promotions at ng ABS-CBN. (AC)