MANILA, Philippines – Magkakaroon uli ng NCAA All-Star Game at tiyak na magiging maaksyon ito dahil sa mga bigating manlalaro sa 10 kasaping koponan ang kasali rito.
Gagawin ito sa Biyernes (Agosto 21) sa The Arena at ang mga bagitong coach ng liga na sina Jamike Jarin ng San Beda at Aldin Ayo ng Letran ang siyang didiskarte sa dalawang koponan bunga ng ginagawang pangunguna sa 91st NCAA men’s basketball.
Si Jarin ang coach ng East at mangunguna sa koponan ang mga mahuhusay at MVP contenders na sina Earl Scottie Thompson ng Perpetual, Arthur Dela Cruz ng San Beda at Jiovani Jalalon ng Arellano.
Ang iba pang kasapi ay sina Ryusei Koga at Michole Sorela ng San Beda, Zach Nicholls at Kent Salado ng Arellano, Bernabe Teodoro, Abdul Wahan at Jordan dela Paz ng Jose Rizal University, Bright Akhueti at Gab Dagangon ng Perpetual at sina Michael Calisaan, Bradwyn Guinto at Jamil Ortuoste ng San Sebastian.
Sasandalan naman ni Ayo ang mga kamador ng Knights na sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal at sasamahan sila nina Jonathan Grey, JR Ongteco at Fons Saavedra ng St. Benilde, Shaq Alanes, Wilson Baltazar at Joseph Ga-bayni ng Lyceum, Christ Mejos, Francis Munsayac at Sidney Onwubere ng Emilio Aguinaldo College at JP Nieles, Allwell Oraeme at Justin Serrano ng host Mapua. (AT)