MANILA, Philippines – Kagaya ng huling pahayag ni coach Yeng Guiao, maaari nang makipag-trade ang Rain or Shine para lamang mapalakas ang kanilang kampanya sa darating na 41st season ng PBA.
Kahapon ay nakipag-ayos ang Elasto Painters sa Globalport Batang Pier kung saan nila ibibigay si 6-foot-4 power forward Jervy Cruz kapalit ni 6’6 Jewel Ponferada at isang second-round pick sa 2015 PBA Rookie Draft.
Inaasahang aaprubahan ng bagong PBA Commissioner na si Chito Narvasa ang palitan ng Rain or Shine at Globalport.
Muling makakasama ni Cruz, ang No. 4 pick noong 2009 PBA Draft, ang dati niyang coach sa UST Tigers na si Pido Jarencio sa bench ng Batang Pier.
Si Cruz ang bumandera para sa paghahari ng Tigers ni Jarencio sa UAAP noong 2006.
Sa kanyang limang taon sa Elasto Painters ni Guiao ay nagtala si Cruz ng mga averages na 6.3 points at 4.8 rebounds.
Nahirang si Cruz sa PBA All-Rookie Team noong 2010 at binigyan ng Mr. Qua-lity Minutes award noong 2013.
Hindi nakapaglaro ang tubong Nueva Ecija sa semifinals laban sa nagkampeong San Miguel Beermen sa nakaraang 2015 PBA Governor’s Cup dahil sa pagkabali ng daliri sa kanyang kaliwang paa sa isang aksidente sa kanilang bahay.
Kamakailan ay sinabi ni Guiao na gusto niyang palakasin ang Rain or Shine para sa darating na PBA season.
At kung kinakailangang dalhin sa ibang koponan ang kanilang mga kamador kagaya nina Jeff Chan, Paul Lee, Gabe Norwood at Beau Belga ay gagawin niya.
Bukod kay Cruz, tinatarget din ng Globalport si veteran center Dorian Peña ng Barangay Ginebra.