MANILA, Philippines – Maipagpatuloy ang mainit na ipinakikita sa Spikers’ Turf Collegiate Conference ang planong dugtungan ng Ateneo Eagles at National University Bulldogs sa pagbubukas ng quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Parehong may 3-0 baraha ang Eagles at Bulldogs at ang makukuhang panalo ay maglalapit sa koponan sa playoff para sa upuan sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Unang sasalang ang NU laban sa UP Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon habang ang Eagles ay makikipaglaro sa FEU Tamaraws sa ikatlo at hu-ling tagisan dakong alas-5 ng hapon.
Papagitna rito ang tagisan ng Emilio Aguinaldo College Generals at St. Benilde dakong alas-3.
Ang makukuhang panalo ng Generals ay magtutulak sa koponan para makakalas sa pakikisalo sa La Salle Archers sa 2-1 baraha.
Single-round robin ang quarterfinals at ang mangungunang apat na koponan ang magpapatuloy ng paghahabol para sa titulo ng liga.
Ang FEU at St. Benilde ay nasa huling puwesto sa 0-3 karta at kailangang makahanap ng paraan para manalo upang hindi maghingalo ang kampanya sa liga.
Gagamitin ng Bulldogs ang galing sa blocking na kung saan sila ang number one matapos ang elimination at ang lakas sa pag-atake na kung saan sila ay pumapangalawa sa Ateneo sa departamento, para iangat ang baraha sa 4-0.
Tulad ng Eagles ay hindi natalo sa limang laro ang NU pero kaila-ngang alisin ang panalong nakuha sa mga koponang napatalsik na sa liga.
Wala rin nakikitang problema ang Eagles sa pagharap sa Tamaraws at si Marck Jesus Espejo ang magdadala sa laban ng UAAP champion.
Ang leading scorer sa elims na si Howard Mojica sa kinanang 109 puntos mula sa 90 kills, 10 aces at 9 blocks ang aasahan ng Generals para ibaon pa sa huling puwesto ang Blazers. (AT)