MANILA, Philippines – Laro ng isang nagdedepensang kampeon ang naipakita ng FEU Lady Tamaraws habang lumabas ang matatalim na pangil ng mga UST Tigresses sa ikalimang set upang magtala ng mga panalo sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinulbos ng Lady Tama-raws ang St. Benilde Lady Blazers sa attack points para kunin ang 25-21, 25-6, 25-17, straight sets panalo at umakyat sa 3-1 karta.
Si Bernadeth Pons ay mayroong 14 puntos habang ang mga guest players na sina Honey Royce Tubino at Jovelyn Gonzaga ay nagsanib sa 17 puntos para dumikit pa ang koponan sa nangungunang Ateneo Lady Eagles sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
May 10 at 9 kills sina Pons at Tubino para pa-ngunahan ang 38-15 kalamangan sa Lady Blazers sa attack points.
May dalawang blocks pa si Pons habang si Gonzaga na tulad ni Tubino ay hindi starter sa laro ay naghatid pa ng dalawang aces at isang blocks para sa magarang panalo ng FEU.
“Hindi na namin inisip ang pagkatalo namin sa NU sa huling laro kaya bumalik ang sigla ng team,”wika ni coach Cesael delos Santos.
Nagtulungan naman sina Pamela Lastimosa at Ennajie Laure sa fifth set para maigupo ang palabang Arellano Lady Chiefs sa mahirap na 25-21, 25-22, 19-25, 24-26, 15-12, panalo sa ikalawang laro.
Tinapos ni Laure ang laro sa magkasunod na spikes para makasalo ang Tigresses sa FEU at Lady Bulldogs. (AT)