MANILA, Philippines – Ginamit ng Ateneo Lady Eagles at National University Lady Bulldogs ang lakas sa pag-atake patungo sa panalo sa magkahiwalay na panalo sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumana si Alyssa Valdez ng 29 puntos, tampok ang 25 kills, habang si Jhoanna Maraguinot ay may season-high na 24 puntos, kasama ang 22 kills, para tulungan ang UAAP champions sa 47-35 kalamangan sa attack department patungo sa 25-18, 26-24, 20-25, 25-15 tagumpay laban sa UP Lady Maroons.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Ateneo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera ngunit dahil inalis ang panalo sa mga napatalsik na mga koponan kaya’t ang Lady Eagles ay may 4-0 baraha.
Sina Justine Dorog, Diana Mae Carlos at Maria Isabel Molde ay nagtala ng 14, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Maroons na nagdomina sa blocks, 9-7, pero ininda ang 32 errors tungo sa pagkatalo para sa 0-4 marka.
Sapat naman ang larong ipinakita ng Lady Bulldogs para sa 25-17, 25-19, 25-17 straight sets win kontra sa La Salle-Dasma Lady Patriots.
Ang mga beterana ng NU na sina Dindin Manabat, Jaja Santiago, Myla Pablo at Jorella Singh ay nagsanib sa 35 puntos para makakawala sa four-way tie sa pangalawang puwesto sa 3-1 baraha.
Isa pang beterana na si Ivy Perez ay nagkaroon ng 14 excellent sets sa 39 attempts na nakatulong para hawakan ng Lady Bulldogs ang 37-21 dominasyon sa Lady Patriots sa spike department.