MANILA, Philippines – Mula sa Eat Bulaga ay maaaring makita ni ‘Yaya Dub’ o Maine Mendoza ang kanyang sarili na pumaparada sa opening ceremonies ng darating na 41st PBA season sa Oktubre 18.
Maraming fans ng Barangay Ginebra ang humihiling sa San Miguel Corporation na kuhanin si Mendoza bilang muse ng Gin Kings.
Nangako naman si Ginebra alternate board of governor Alfrancis Chua na gagawin niya ang lahat para mapagbigyan ang kanilang mga fans.
“Mga ka barangay susubukan natin ibigay ang idea sa marketing para makuha natin si YAYA DUB para muse ng ginebra,” sabi ni Chua sa kanyang Twitter account na @alfrancischua.
Ilang PBA teams din ang nag-iisip na kunin si Mendoza bilang muse para sa pagbubukas ng liga.
Sumikat si Mendoza dahil sa kanyang mga videos sa Dubsmash, isang video messaging app kung saan makakapili ang isang tao ng voice clip na kanilang ida-dub.
Lalo pang naging popular si Mendoza nang itambal sa aktor na si Alden Richards sa ‘Kalyeserye’ ng Eat Bulaga kung saan siya ang yaya ni Lola Nidora na ginagampanan ni Wally Bayola.