MANILA, Philippines - Muling pinangunahan ni tennis star Maria Sharapova ang listahan ng mga babaeng pinakama-laki ang kinita noong nakaraang taon, ayon sa Forbes.
Sa ika-11 sunod na taon, pinangunahan ng Russian tennis star ang babaeng may pinakamataas na ranking sa listahan ng Forbes na dinomina ng mga tennis players, matapos okupahan ang No. 7 spot.
Nakatakdang bumalik dito sa Pinas si Sharapova para maglaro para sa Manila Mavericks sa ITPL Tennis All Stars sa Disyembre kasama sina Serena Williams, Andy Murray at ang Pinoy netter na si Treat Huey.
Ang 28-gulang na si Sharapova, nanalo sa French Open noong nakaraang taon, ay kumolekta ng $6.7 million na prize money, ngunit ang kanyang total estimated earnings ay umabot sa $29.7 million, ayon sa Forbes.
Ang listahan ng Forbes ay base sa appearances, licensing at endorsements, personal business interests at sa suweldo kung mayroon salary.
Ang world number one tennis player na si Serena Williams ang pumapangalawa sa kinitang $24.6 million, habang ang racing driver na si Danica Patrick ang top non-tennis player na nasa fourth place sa kinitang $13.9 million.
Ang tanging isa pang non-tennis players sa top 10 ay si Ronda Rousey (mixed martial arts) na nasa No. 8 at si and Stacy Lewis (golf) na nasa No. 9.
Ang tennis ang pinakamayamang sport kung saan mas malaki ang kinikita ng mga babae kumpara sa mga lalaki bagama’t mas mababa ang kinita ni Sharapova kumpara sa $67 milyon ni Roger Federer na siyang top tennis player sa listahan ng mga lalaking atleta ng Forbes.
Pinangunahan nina boxers Floyd Mayweather ($300 million) at Manny Pacquiao ($160 million) ang pinakahuling listahan ng mga lalaking atleta kasunod Portugal at Real Madrid soccer player Cristiano Ro-naldo ($79.6 million).
Ang kinita ng mga babae ay kinuwenta mula June 1 noong nakaraang taon hanggang ng parehong date na ito sa taong kasalukuyan.