WULANCHABU, China – Ipinagpatuloy ni Nesthy Petecio ang laban ng Pilipinas matapos umabante sa gold medal round ng ASBC Asian Women’s Championships dito.
Tinalo ni Petecio si Basumatary Pwilao ng India, may anim na boksingerong nakapasok sa semis, via unanimous decision para tumiyak ng silver medal.
“Malakas siya at nakita ko na lugi ako sa dikitan kaya nilaro ko sa labas,” sabi ng 23-anyos na si Petecio sa kanyang naging estratehiya laban kay Pwilao.
Tanging si Petecio ang natirang lumalaban para sa bansa matapos masibak sa second preliminary round sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit.
Lalabanan ni Petecio, ang silver medalist sa 2015 Singapore SEA Games at sa 2014 Women’s World Championships sa Korea, para sa gold medal si Peamwilai Laopeam ng Thailand.
May 1-1 record sina Petecio at Laopeam.
Tinalo ni Laopeam si Petecio sa 2011 SEA Games sa Palembang at nakabawi naman ang tubong Sta. Cruz, Davao del Sur laban sa Thai fighter sa China Open noong nakaraang taon.
Sina Roel Velasco at Mitchel Martinez ang tumatayong coaches ng PLDT-ABAP Team.
Kabuuang 96 boxers mula sa 16 Asian nations ang lumahok sa torneo.