Palestine ang unang kalaban ng Philippine Gilas

MANILA, Philippines - Bagama’t ngayon pa lamang nag-eensayo ay kasado na ang iskedyul ng Gilas Pilipinas para sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China.

Unang makakasukatan ng Nationals sa Group B ang Palestine sa Setyembre 23 sa alas-11:45 ng tanghali sa Changsha Social World College Gymnasium.

Susunod na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin ay ang Hong Kong sa Setyembre 24 sa alas-9:30 ng gabi at ang Kuwait sa Setyembre 25 sa alas-4:45 ng hapon.

Sa tournament format, ang top three teams mula sa Group B ang makakasama ng top three squads sa Group A na kinabibilangan ng Iran, Japan, Malaysia at India para mabuo ang Group E.

Ang top three naman mula sa Groups C at D ang bubuo sa Group F.

Ang torneo ay ang qualifying meet para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.

Kamakailan ay inendorso ng PBA sa Samahang Basketbol ng Pilipinas ang mga players na pinapayagan nilang mapabilang sa national pool ni Baldwin.

Ito ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Mat Ganuelas Rosser at Kelly Williams ng Talk ‘N Text, Asi Taulava at Aldrech Ramos ng NLEX, Terrence Romeo ng Globalport, Gary David ng Meralco, JC Intal ng Barako Bull, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva ng Alaska.

Nasa listahan din ng 16-man training pool sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel, Marc Pingris ng Star at Ginebra guard LA Tenorio.

Si Fajardo ay may foot injury, habang si Tenorio ay may fatigue at nagbakasyon naman si Pingris sa France.

Makakatulong ng Nationals si 6’11 naturalized player Andray Blatche.

Show comments